Hindi inaalis ng Bureau of Immigration (BI) ang posibilidad na nakalabas na ng Pilipinas si Senador Ronald dela Rosa sa pamamagitan ng mga ilegal na ruta, kasunod ng kanyang naunang pag-alis sa Senate custody.

Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, nananatiling bukas ang posibilidad ng paggamit ng mga backdoor channels o tagong lagusan palabas ng bansa, kabilang ang mga liblib na pantalan.

Sinabi ni Sandoval na palaging isinasaalang-alang ng BI ang ganitong posibilidad tuwing may kahalintulad na sitwasyon.

Gayunman, tiniyak ng opisyal na bantay-sarado ng Bureau of Immigration ang mga tinuturing na illegal migration corridors sa tulong ng Philippine National Police, Philippine Coast Guard, at mga lokal na pamahalaan.

Advertisement

Ayon pa kay Sandoval, agad umanong inaalerto ang BI kung may tangkang pagtakas palabas ng bansa, kabilang na ang pagkakakilanlan ng mga nahaharang na indibidwal, lalo na kung mga dayuhan.

Batay naman sa opisyal na rekord ng BI, wala pang naitatalang paglabas ng bansa si Senador Dela Rosa.

Nangyayari ito sa gitna ng umiiral na Immigration Lookout Bulletin Order laban sa senador.

Tiniyak din ni Sandoval na kung makita si Dela Rosa sa mga paliparan, agad itong ipaaabot sa mga law enforcement agencies para sa kaukulang aksyon.

Advertisement