Umakyat sa 36 ang bilang ng mga barko ng China na namonitor sa ilang bahagi ng West Philippine Sea (WPS) sa nakalipas na linggo, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay AFP spokesperson for WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, mas mataas ito kumpara sa 27 Chinese vessels na naitala sa naunang ulat.
Batay sa monitoring ng AFP mula Mayo 19 hanggang 25, namataan ang mga barko ng China Coast Guard (CCG) at People’s Liberation Army Navy (PLAN) sa iba’t ibang bahagi ng WPS.
Sa Ayungin Shoal, siyam na barko ang namonitor kabilang ang isang PLAN vessel at walong CCG vessels.
Sa Bajo de Masinloc naman, umabot sa 19 na barko ang naitala, kabilang ang 10 PLAN vessels at siyam na CCG vessels.
Limang barko rin ang namataan sa Escoda Shoal, habang tatlong barko naman ang naitala malapit sa Pag-asa Islands.
Patuloy ang tensyon sa South China Sea dahil sa malawak na pag-aangkin ng Beijing sa halos kabuuan ng karagatan na dinaraanan ng mahigit $3 trillion na halaga ng pandaigdigang kalakalan bawat taon.
Kabilang sa may overlapping claims sa lugar ang Pilipinas, Vietnam, Indonesia, Malaysia, at Brunei.
Ang mga bahagi ng South China Sea na nasa loob ng teritoryo ng Pilipinas ay tinatawag na West Philippine Sea bilang pagpapatibay sa pag-aangkin ng bansa sa naturang maritime areas.
Matatandaang noong 2016 ay nagpasya ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague pabor sa Pilipinas at nagsabing walang legal na basehan ang malawak na pag-aangkin ng China sa South China Sea.
Gayunman, hindi kinikilala ng China ang naturang arbitral ruling.














