Nagpaalala si Novaliches Bishop Teodoro C. Bacani Jr. sa mga senador na tungkulin nilang magsilbi sa mamamayang Pilipino at hindi sa iisang personalidad lamang kaugnay ng pag-convene ng Senado bilang impeachment court laban kay Vice President Sara Z. Duterte.
Sa isang misa sa EDSA Shrine, kasama ang ilang miyembro ng House prosecution panel at civil society groups, nanawagan si Bacani na agad simulan ang impeachment trial at iginiit na dapat pairalin ng mga senador ang kanilang tungkulin sa bayan.
Bilang isa sa mga bumalangkas ng 1987 Constitution, sinabi ng obispo na dapat “agaran” o “forthwith” ang pagdinig sa impeachment case at hindi ito dapat maantala ng mga isyung pampulitika sa loob ng Senado.
Dumalo sa misa sina Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila M. de Lima, at mga kinatawan na sina Rep. Joel Chua at Lorenz Defensor, na pawang bahagi ng House prosecution panel. Humiling sila ng gabay at lakas para sa kanilang paghahanda sa impeachment case.
Samantala, ilang civil society groups ang nagsagawa rin ng protesta sa labas ng EDSA Shrine, nananawagan na ituloy na ang impeachment trial na matagal nang hinihintay ng publiko.
Ayon sa House prosecution team, handa na sila sa paglilitis at nakahanda na rin ang paghahati-hati ng Articles of Impeachment sa bawat miyembro ng panel, pati ang paghahanda sa mga posibleng witness at private prosecutors.
Inaasahan din nilang hindi maaapektuhan ng tensyon sa Senado ang proseso ng impeachment, dahil ito ay isang constitutional duty ng mga mambabatas.














