Sugatan ang Barangay Chairman ng Brgy. Damalusay, Paglat, Hadji Mansor Bajunaid Mangelen, at ang kanyang driver na si Arafat G. Abpet matapos pagbabarilin ng mga hindi kilalang suspek habang nagbibiyahe sa Sitio Bagyang, Brgy. Malangit, Pandag, Maguindanao del Sur bandang alas-8:30 ng umaga ngayong Marso 30.
Ayon sa ulat, sakay ng kanilang itim na Toyota Innova SUV na may plate no. MAH 2991 mula Buluan patungong Pandag, sinalubong ng mga suspek sakay ng motorsiklo ang sasakyan at pinaputukan gamit ang hindi pa matukoy na baril. Tumama ang bala sa kaliwang bahagi ng bintana ng sasakyan, dahilan upang parehong sugatan ang mga biktima.
Agad silang dinala ng kanilang mga kamag-anak sa Buluan District Hospital para sa agarang medikal na atensyon.
Agarang rumesponde ang Pandag MPS kasama ang 2nd MP, 2nd PMFC, at MDS PPO sa lugar ng insidente at nagsagawa ng pursuit operations sa mga suspek, ngunit hindi sila nahuli. Inabisuhan din ng Pandag MPS ang Provincial Forensic Unit para sa crime scene processing at nagpa-alerto sa mga kalapit na PNP stations upang magsagawa ng dragnet operations.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang mga sangkot at masiguro ang pananagutan sa karumal-dumal na pananambang.














