Ipinatawag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang operator at driver ng isang pampasaherong bus matapos itong makuhanan sa viral video na lumabag sa traffic light, na nagdulot ng panganib sa mga pasahero at iba pang motorista.

Sa pahayag ni LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II, hindi palalampasin ng ahensya ang insidente kung saan makikitang mabilis na tinawid ng bus ang isang intersection kahit pula pa ang ilaw-trapiko.

Pinagsumite na ng written explanation ang driver kung bakit hindi siya dapat patawan ng parusa dahil sa reckless driving. Kasabay nito, inatasan din ang operator ng bus na magpaliwanag at dumalo sa online hearing na itinakda sa Abril 23, alas-9 ng umaga.

Ayon sa LTFRB, ang nasabing bus company ay may prangkisa para sa North Luzon routes, na maaaring masuspinde o tuluyang kanselahin kung mapapatunayang may pananagutan sa pag-empleyo ng pabaya o mapanganib na driver.

Advertisement

Binigyang-diin din ng ahensya na maaari pang tuklasin kung may iba pang paglabag ang driver, kabilang ang kanyang pisikal at mental na kalagayan sa oras ng insidente.

Nagbabala si Mendoza laban sa tinatawag na “siga mentality” sa kalsada, at iginiit na dapat pairalin ang disiplina at pananagutan dahil buhay ng mga tao ang nakataya.

Nagpasalamat din ang LTFRB sa netizen na nagbahagi ng video, at hinikayat ang publiko na i-report ang mga abusadong driver upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa kalsada.

Advertisement