Kinuwestyon ng Sandiganbayan Third Division ang kredibilidad ng dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Gerald Opulencia matapos niyang sabihing wala siyang kaalaman sa “commitments” para sa mga kontraktor, sa kabila ng kanyang pag-amin na siya ang nag-utos sa mga district engineer na asikasuhin ito.

Sa pagdinig ng bail hearing ng kasong malversation kaugnay ng umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan, mariing pinuna ni Associate Justice Karl Miranda si Opulencia at tinanong ang kanyang testimonya bilang state witness.

“Pinaglolo­loko mo ba kami? You were given immunity from suit… pero ang kondisyon is sasabihin mo sa korte kung ano ang katotohanan,” pahayag ni Miranda kay Opulencia, sabay giit na dapat buong katotohanan ang isiwalat ng testigo.

Si Sandiganbayan Third Division, sa pangunguna ni Miranda, ay nagtanong kung paano nagkakaroon ng “commitments” ang mga proyekto gayong iginiit ng testigo na hindi niya alam ang aktwal na proseso, kahit siya umano ang nag-uutos nito sa mga district engineer.

Advertisement

Si Opulencia, dating regional chief ng Department of Public Works and Highways sa Metro Manila, ay nagsabing kumikilos siya batay sa utos ni dating undersecretary Roberto Bernardo at nakikipag-ugnayan sa mga district engineer para sa project lists, status reports, at iskedyul ng paghahatid ng “commitments.”

Ayon sa kanya, tinatawagan niya ang mga district engineer kapag “ready na ang commitments,” kasunod ng itinakdang halaga na ipinapasa sa kanya, at siya rin ang nagse-set ng delivery schedule ng mga ito.

Ilan sa mga opisyal na binanggit na sumunod sa paghahanda ng commitments ay sina Manny Bulusan, Denryl Caesar Cortuna, Ruel Umali, at Arturo Gonzales Jr., na pawang mga opisyal ng iba’t ibang district engineering offices sa Metro Manila.

Giit ni Miranda, mahirap paniwalaan na walang kaalaman si Opulencia sa proseso na siya mismo ang nag-uutos, lalo’t siya ay binigyan ng immunity kapalit ng pagsasabi ng buong katotohanan.

Isa pang associate justice ang nagsabi na walang umiiral na batas o DPWH memo na nag-aatas ng porsyento ng proyekto para sa mga proponent, na lalong nagbigay ng tanong sa paliwanag ng testigo.

Inamin din ni Opulencia na nakatanggap siya ng tinatayang P150 milyon bilang restitution, kung saan P130 milyon na ang naibalik, habang iginiit niyang ginawa niya ito dahil sa “utang na loob” sa mga nagbigay sa kanya ng mabilis na promosyon sa ahensya.

Kaugnay ng kaso, si Ramon “Bong” Revilla Jr. ay isa sa mga kinasasangkutang akusado sa umano’y ghost project, bagaman iginiit ng kanyang abogado na hindi direktang konektado sa kasong dinidinig ang ilang bahagi ng testimonya ng witness.

Advertisement