Naglabas ang Sangguniang Panlalawigan ng Camarines Norte ng Resolution No. 272, s. 2026 na naglalayong hikayatin ang malawakang pagtitipid sa kuryente at iba pang anyo ng enerhiya sa lalawigan.
Ayon sa resolusyon, ang hakbang ay tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng fuel na iniuugnay sa umiiral na sigalot sa Middle East. Dahil dito, binigyang-diin ng pamahalaang panlalawigan ang kahalagahan ng responsableng paggamit ng enerhiya upang mabawasan ang gastusin, matiyak ang sapat na suplay ng kuryente, at makatulong sa pangangalaga ng kalikasan.
Kabilang sa mga iminungkahing hakbang ang pagpapatay ng ilaw at mga kagamitang de-kuryente kapag hindi ginagamit, pag-iwas sa paggamit ng mga high energy-consuming appliances sa oras ng peak demand, paggamit ng LED lights, at pagpapatupad ng energy-saving policies sa mga tanggapan.
Hinihikayat din ang publiko na makiisa sa pagpapalaganap ng kamalayan hinggil sa wastong paggamit ng enerhiya bilang tugon sa hamon ng tumataas na presyo ng fuel.
Umaasa ang pamahalaang panlalawigan na sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at disiplina, mababawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng fuel at mapapanatili ang tuloy-tuloy at maayos na suplay ng kuryente sa buong lalawigan.













