Nakatakdang magsampa ng kasong kriminal si Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, laban sa ilang opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Anti-Money Laundering Council (AMLC), at mga kongresista kaugnay ng umano’y iligal na paglalabas ng sensitibong bank records.

Ayon sa impormasyon, ihahain ang reklamo sa Quezon City Prosecutor’s Office ngayong Abril 27, 2026, laban kina BSP Governor Eli Remolona Jr., AMLC Executive Director Ronel Buenaventura, at ilang mambabatas kabilang sina House Committee on Justice Chair Gerville Luistro, Akbayan Party-list Rep. Percival Cendaña, Chel Diokno, at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima.

Nakabatay ang reklamo sa umano’y paglabag sa Anti-Money Laundering Act, Bank Secrecy Law, at Data Privacy Act matapos umanong ilabas ang mga sensitibong banking records.

Ito ay kasunod ng ulat ng AMLC sa Kamara de Representantes na nagsasabing may halos P6.77 bilyong halaga ng “suspicious” at “covered” transactions na konektado kina Vice President Duterte at Carpio sa loob ng halos dalawang dekada.

Advertisement

Ayon sa AMLC, kabilang sa naturang halaga ang malalaking pondong pumasok at lumabas sa kanilang mga account, habang may ilang bahagi na hindi matukoy dahil sa limitasyon ng lumang sistema.

Giit ni Carpio, ilegal ang naturang paglalabas ng impormasyon at ginagamit umano ito bilang “black propaganda” laban sa pamilya Duterte, lalo na sa gitna ng umiinit na mga isyung politikal at impeachment proceedings.

Binigyang-diin din niya na protektado ng batas ang mga bank records at hindi dapat ito basta isinasapubliko.

Samantala, itinanggi ng ilang mambabatas ang mga alegasyon. Ayon kina De Lima at Cendaña, saklaw ng kapangyarihan ng Kamara ang pagsasagawa ng mga pagdinig kaugnay ng impeachment at hindi ito lumalabag sa bank secrecy laws.

Dagdag pa nila, bahagi ito ng proseso ng pananagutan at may legal na batayan ang pagtalakay sa mga financial transaction kung may hinala ng anomalya.

Sa panig naman ng ilang opisyal ng Mababang Kapulungan, iginiit na ang paghahain ng reklamo ay hindi tahasang pagtanggi sa pagiging totoo ng mga financial records na inilabas ng AMLC, kundi nakatuon lamang sa isyu ng umano’y hindi awtorisadong paglalabas ng impormasyon.

Advertisement