Mariing itinanggi ng dating Kogresista ang mga paratang na umano’y tumanggap ang kanilang hanay ng “kickback” o SOP mula sa mga proyekto sa flood control.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga France Castro, Former Act Partylist Representative, sinabi nito na ang Makabayan Bloc ay walang kinalaman sa mga “hard projects” o imprastraktura na karaniwang itinuturong pinagmumulan ng iregularidad.
Ipinaliwanag ni Castro na ang kanilang mga pondo ay nakalaan lamang sa “soft projects” tulad ng medical assistance sa Department of Health (DOH), TUPAD ng Department of Labor and Employment (DOLE), at AIKS ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Giit niya, direktang pinamamahalaan ng mga ahensya ang pagpapatupad ng mga programang ito kaya’t wala umanong puwang para sa ilegal na transaksyon.
Tinawag din niyang isang “political demolition job” ang mga alegasyon, at iginiit na pabago-bago umano ang testimonya ng ilang dating Marines, kabilang ang detalye sa sinasabing pera at listahan ng mga opisyal na idinadawit. Aniya, wala ring maipakitang konkretong ebidensya na susuporta sa mga paratang laban sa kanilang grupo.
Nilinaw pa ni Castro na ang pakikipag-ugnayan nila kay Zaldy Co ay bahagi lamang ng normal na budget deliberations sa Kongreso, na nakatuon sa pagpopondo para sa mga guro at sektor ng mga magsasaka at mangingisda, at hindi para sa anumang ilegal na aktibidad.
Inaasahan naman ng Makabayan Bloc ang pagharap sa Blue Ribbon Committee upang sagutin ang mga alegasyon, kasabay ng pag-aaral ng posibleng legal na hakbang laban sa mga nag-aakusa, habang patuloy na itinutulak ang usapin ng transparency at pananagutan sa mga proyekto ng pamahalaan.














