Hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga dioceses sa buong bansa na palakasin ang suporta para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng patuloy na labanan sa Middle East.
Ayon kay Bishop Socrates Mesiona, mahalagang mabantayan ng mga dioceses ang kalagayan ng mga pamilya ng OFWs at matiyak na sila ay nabibigyan ng pastoral care at praktikal na tulong.
Kabilang sa mga maaaring ibigay na suporta ang spiritual accompaniment, access sa mga sakramento, counseling, at pakikipag-ugnayan sa mga charity ng simbahan at lokal na pamahalaan.
Hinimok din ni Bishop Socrates Mesiona ang mga parokya na magsagawa ng espesyal na panalangin para sa kapayapaan sa Middle East, kabilang ang paglalagay ng intensyon sa mga misa tuwing Linggo at pag-oorganisa ng mga prayer gathering.
Binigyang-diin ng obispo ang papel ng simbahan sa pagsusulong ng kapayapaan at pagkakaisa, lalo na sa panahon ng mga krisis na nakaaapekto sa mga mahihinang sektor. Dagdag pa niya, maraming OFWs ang nahaharap sa kawalan ng katiyakan, displacement, at pagkakalayo sa kanilang mga pamilya dahil sa umiigting na giyera.
Samantala, patuloy umanong minomonitor ng Department of Migrant Workers ang sitwasyon at nagbibigay ng tulong sa pakikipagtulungan sa iba pang ahensya ng pamahalaan.














