Ipinagbawal ng China ang pagpasok sa mainland China, Hong Kong, at Macau ni Philippine Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr., kasama ang kanyang asawa at anak.

Bukod dito, ipinagbawal din ng Beijing ang anumang transaksyon o pakikipag-ugnayan ng mga kumpanyang Chinese sa kanila.

Ayon sa China, ipinataw ang mga parusang ito dahil sa umano’y mga maling pahayag ni Teodoro na sinasabing nakasama sa ugnayan ng Pilipinas at China at nakapinsala sa interes ng Beijing. Gayunman, hindi tinukoy ng Chinese government kung aling mga pahayag ang kanilang tinutukoy.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag si Teodoro hinggil sa ipinataw na sanction. Nauna na niyang sinabi na wala naman siyang planong bumisita sa China.

Advertisement

“Even if I wanted to visit because the food is good and the people are kind, that is overshadowed by the kind of government they have,” ani Teodoro sa isang naunang pahayag.

Patuloy ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea. Inaangkin ng China ang malaking bahagi ng karagatan, kabilang ang ilang lugar na sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Kamakailan lamang, naghain muli ng reklamo ang Pilipinas laban sa China dahil sa umano’y presensya ng isang Chinese vessel sa pinag-aagawang bahagi ng karagatan.

Advertisement