Nagsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) kaugnay ng madugong engkuwentro sa pagitan ng Philippine Army at New People’s Army sa Negros Occidental noong Abril 19 na ikinasawi ng 19 katao, kasunod ng mga ulat ng posibleng pagkakasangkot ng mga sibilyan.
Ayon sa CHR, may mga “inconsistencies” sa pagkakakilanlan ng mga nasawi sa bakbakan. Giit ng militar, pawang mga rebelde ang napatay, ngunit sinasabi naman ng ilang grupo na may mga sibilyan kabilang sa mga biktima.
Kabilang sa mga nasawi ang community journalist na si RJ Nichole Ledesma, Filipino-American activists na sina Lyle Prijoles at Kai Sorem, at si Alyssa Alano.
Kinilala rin ng New People’s Army (NPA) ang pagkamatay ng isa nilang lider at ilang kasamahan, ngunit iginiit na may mga sibilyan din umanong nadamay sa insidente.
Binigyang-diin ng CHR na kailangang beripikahin ang magkasalungat na ulat mula sa magkabilang panig at iginiit ang pagsunod sa International Humanitarian Law, kung saan ipinagbabawal ang pag-target sa mga sibilyan at dapat iwasan ang pag-atake sa mga hindi kombatant.
Ayon sa mga grupong makabayan tulad ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Tanggol Magsasaka, higit 650 residente mula sa 168 pamilya ang napilitang lumikas sa Barangay Salamanca at Barangay San Jose sa Toboso dahil sa bakbakan.
Sinabi naman ng militar na na-coordinate ang mga paglikas sa lokal na pamahalaan.
Nanawagan ang CHR ng agarang, patas, at independent na imbestigasyon sa insidente, at hinikayat ang lahat ng panig na makipagtulungan upang matukoy ang tunay na nangyari.














