Iginiit ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na may hawak silang kaukulang warrant of arrest sa isinagawang search operations laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay CIDG Director PMaj. Gen. Robert Alexander Morico II, handa nilang ipakita ang warrant anumang oras kung kakailanganin, kasunod ng mga alegasyong pumasok umano ang mga awtoridad sa pribadong mga ari-arian nang walang legal na dokumento.
Kinumpirma rin ni Morico na ang hawak nilang warrant ay mula mismo sa International Criminal Court kaugnay ng kasong crimes against humanity na kinahaharap ng senador.
Ginawa ng opisyal ang pahayag matapos ibahagi ni Nancy dela Rosa, asawa ng senador, ang isang social media post na kumukwestyon sa umano’y pagpasok ng joint operatives ng CIDG at National Bureau of Investigation (NBI) sa ilang bahay nang walang warrant.
Ayon sa naturang post, nang tanungin umano ang mga operatiba kung mayroon silang warrant ay sumagot umano ang mga ito na hindi na ito kinakailangan.
Gayunman, sinabi ni Morico na naging maayos at propesyonal ang operasyon at nakipagtulungan umano ang mga lokal na opisyal at mga may-ari ng bahay na kanilang pinuntahan.
Dagdag pa niya, maaari namang magsampa ng reklamo sa National Police Commission (NAPOLCOM) o Internal Affairs Service (IAS) kung may nakitang paglabag sa protocol ang sinuman sa isinagawang operasyon.
Matatandaang nagsagawa ng sabay-sabay na operasyon ang CIDG at NBI nitong Miyerkules sa ilang lokasyon sa Parañaque City, Bulacan, at Pampanga na pinaniniwalaang posibleng pinagtataguan ni Dela Rosa.
Sa ngayon, tumanggi si Morico na kumpirmahin kung may indikasyong nagtungo nga sa mga naturang lugar ang senador habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.














