Magsasampa ng reklamo ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban kay Senador Robin Padilla at ilang iba pa dahil sa umano’y pagtulong sa pagtakas ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Sa isang pahayag ngayong Miyerkules, sinabi ng CIDG na ihahain nila sa National Prosecution Service ng Department of Justice ang reklamong paglabag sa Presidential Decree No. 1829 o obstruction of justice.

Ayon sa CIDG, hindi lamang umano simpleng “hitch” ang nangyari nang isakay ni Padilla si Dela Rosa palabas ng Senado noong madaling araw ng Mayo 14.

“The transport of Senator Dela Rosa was not a mere hitch ride on Senator Padilla’s car, but a highly coordinated, pre-planned logistical maneuver specifically executed to avoid detection while escaping the Senate premises,” ayon sa CIDG.

Advertisement

Dagdag pa ng ahensya, natuklasan umano sa imbestigasyon na may isa pang sasakyan na sumusunod sa kotse ni Padilla at nagsilbing security escort at backup vehicle habang inilalabas si Dela Rosa.

Binigyang-diin ng CIDG na bahagi ng kanilang mandato ang patas na pagpapatupad ng batas at pag-iimbestiga sa mga krimen nang walang kinikilingan.

Ayon pa sa ahensya, anumang hakbang na makahahadlang sa pag-aresto o makatutulong sa pagtakas ng isang pinaghahanap ay sumisira umano sa sistema ng hustisya at kaayusan ng publiko.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang kampo ni Padilla hinggil sa planong pagsasampa ng kaso.

Nauna nang sinabi ni Padilla na hindi niya tinulungan si Dela Rosa na tumakas at humingi lamang umano ng masasakyan ang senador palabas ng Senado matapos ang insidente ng pamamaril sa loob ng gusali noong Mayo 13.

Advertisement