Inanunsyo ng Civil Service Commission (CSC) na magbibigay ito ng Overseas Filipino Workers–Preference Rating (OFW-PR) sa mga kwalipikadong overseas Filipino workers bilang pagkilala sa kanilang serbisyo at sakripisyo.
Batay sa CSC Resolution No. 2600596, ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na makakakuha ng general rating na hindi bababa sa 70.00 sa civil service examination ay maaaring mabigyan ng dagdag na puntos, alinsunod sa mga alituntunin ng komisyon.
Ipapatupad ang bagong polisiya simula sa August 9, 2026 Civil Service Examination.
Ayon sa CSC, layunin ng hakbang na kilalanin ang dedikasyon, professionalism, at sakripisyo ng mga OFW, at bigyan sila ng mas maraming pagkakataon na makapasok sa serbisyo publiko bilang “Lingkod Bayani.”
Kabilang sa mga kwalipikado ay mga OFW na kasalukuyan, dati, o planong magtrabaho sa ibang bansa, pati na rin yaong may hindi bababa sa limang taong overseas employment mula 2000 hanggang kasalukuyan, tuloy-tuloy man o putol-putol.
Maaari ring mag-apply ang mga OFW na may kontrata na pero hindi pa umaalis ng bansa, basta’t makapasa sa exam at umabot sa kinakailangang marka.
Ayon pa sa CSC, maaaring magamit ang benepisyo para sa anumang uri ng trabaho, bansa, o antas ng sahod sa abroad, bilang bahagi ng mas pinalawak na pagkilala sa kontribusyon ng mga OFW sa lipunan.













