NAGA CITY- Bumuo na ang Camarines Sur Police Provincial Office ng “special investigation task group” upang tutukan ang imbestigasyon sa pag-ambush kay dating Congressman Rolando “Nonoy” Andaya.
Mababatid na maswerteng nakaligtas si Andaya matapos ang nangyaring pananambang dito noong Lunes sa bahagi ng Barangay Palestina sa bayan ng Pili, Camarines Sur.
Sa opisyal na pahayag ng CSPPO, nabatid na pinulong ni Provincial Director PCol Bernardo Perez ang miyembro ng nasabing grupo para pag-usapan ang mga hakbang sa agarang paglutas sa nasabing insidente.
Kasama na rito ang pagtingin sa iba’t-ibang anggulo na maaring sanhi ng nangyaring pananambang.
Sa ngayon, mahigpit ang ibinibigay na seguridad sa dating kongresista mula sa mga tauhan ng Police Security and Protection Group ng PNP.