Naghain ng kasong cyberlibel at libel si Manila 6th District Representative Bienvenido “Benny” Abante Jr. laban kay Atty. Levito Baligod, 18 umano’y dating miyembro ng Marines, at sa himpilang DWSI 864 kaugnay ng mga alegasyong tumanggap siya ng maletang naglalaman ng pera mula sa pondo ng gobyerno.
Ayon kay Abante, walang katotohanan at nakasisira sa kanyang reputasyon ang mga paratang na nakapaloob sa isang “Pinagsamang Sinumpaang Salaysay” at inilahad sa isang press conference noong Pebrero 24, 2026.
Mahigpit niyang pinabulaanan ang alegasyong kabilang siya sa mga umano’y nakatanggap ng maletang puno ng salapi na iniuugnay sa P805 bilyong pondo ng pamahalaan.
Iginiit ng kongresista na kulang sa matibay na ebidensya ang mga akusasyon at wala umanong malinaw na detalye gaya ng eksaktong petsa, lugar, at iba pang mahalagang impormasyon na magpapatibay sa mga paratang. Aniya, sa halip na idaan sa wastong legal na proseso, isinapubliko umano ng mga respondent ang kanilang mga alegasyon.
Dahil dito, hiniling ni Abante sa mga piskal na magsagawa ng kaukulang imbestigasyon at magsampa ng mga nararapat na kaso laban sa mga respondent batay sa mga ebidensyang ihaharap.








