NAGA CITY – DEAD-ON-THE SPOT ang isang motorcycle driver matapos makabundol sa isang kotse sa Zone 3, Pamukid, San Fernando, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Cezar Veñez, Jr., 41-anyos, residente ng Barangay Rawis, Legazpi City, Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki PLt. Joan Jacob, Deputy Chief of Police ng San Fernando Muncipal Police Station, sinabi nito na habang binabagtas ng motorsiklo na minamaneho ni Veñez ang kahabaan ng kalsada galing sa bayan ng Pamplona sa naturang lalawigan pauwi naman sa Albay, nang makain nito ang kabilang linya at makabundol sa kasalubong na kotse na minamaneho naman ni Al Hazar Ghana 34-anyos, residente ng 649 Fort Area Manila na mula man sa kabilang direksyon.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na dahil sa bilis ng takno ng nasabing motorsiklo, nakatilapon pa sa sementadong kalsada ang biktima, dahilan para magtamo ito ng seryosong mga tama sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Samantala, isa pa aniya sa nakadagdag sa impact ng pagkakatilapon ng biktima ang dahil sa pagputok ng gulong ng nasabing kotse.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa naturang insidente.