Inilunsad na ng Department of Education o DepEd ang nationwide Oplan Balik Eskwela bilang paghahanda sa pagbubukas ng School Year 2026-2027 sa Hunyo 8.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, isasagawa ang Oplan Balik Eskwela mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 11 upang matiyak ang maayos na pagbubukas ng klase sa buong bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng DepEd na layunin ng programa na mapabilis ang enrollment process, matugunan ang concerns ng publiko, at matiyak na handa ang mga paaralan para sa panibagong school year.

Kabilang sa makikibahagi sa preparasyon ang 16 na ahensya ng gobyerno at utility partners gaya ng Department of the Interior and Local Government o DILG, Philippine National Police o PNP, Department of Health o DOH, at Metropolitan Manila Development Authority o MMDA.

Advertisement

Tututukan naman ng Department of Transportation o DOTr ang daloy ng mga commuter habang ang Department of Information and Communications Technology o DICT at National Telecommunications Commission o NTC ay tutulong sa pagpapalakas ng communication at connectivity services.

Nakaantabay rin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC para sa posibleng epekto ng masamang panahon at iba pang emergency situations sa pagbubukas ng klase.

Samantala, inatasan naman ang Meralco at Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS na tiyakin ang sapat na suplay ng kuryente at tubig sa mga paaralan.

Mag-o-operate rin ang Oplan Balik Eskwela Public Assistance Command Center sa pamamagitan ng hotlines, text messaging, email, at social media platforms mula central office hanggang school level upang mapadali ang pagtugon sa concerns ng mga magulang at estudyante.

Hinikayat naman ng DepEd ang publiko na makipagtulungan upang maging maayos at ligtas ang pagbubukas ng klase ngayong taon.

Advertisement