Inaasahang magkakaroon ng magkaibang galaw sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, kung saan posibleng malaki ang itaas sa diesel habang may inaasahang pagbaba naman sa presyo ng gasolina.

Batay sa apat na araw na trading ng Mean of Platts Singapore (MOPS) at sa paggalaw ng foreign exchange, tinatayang tataas ang presyo ng diesel ng humigit-kumulang P4.00 hanggang P4.50 kada litro.

Sa kabilang banda, posibleng magkaroon ng rollback sa gasolina na nasa pagitan ng P1.00 hanggang P1.50 kada litro.

Ayon sa isang source sa industriya ng langis, ang inaasahang pagtaas ng diesel ay dulot ng pangamba sa pandaigdigang supply ng langis matapos umanong maantala ang usapang pangkapayapaan at kasabay ng babala ng Iran na posibleng isara ang Strait of Hormuz.

Advertisement

Dagdag pa rito, nakadagdag din sa pressure sa presyo ang pangamba na maaaring bumaba sa kritikal na antas ang global oil inventories kung magpapatuloy ang kasalukuyang bilis ng pagkonsumo ng mga reserbang langis.

Gayunpaman, sinabi rin ng source na may mga paunang senyales na maaaring bumaba ang MOPS prices sa huling araw ng trading ngayong linggo. Kapag ito ang nangyari, posibleng mas mababa ang magiging dagdag sa diesel, habang maaaring mas malaki naman ang bawas sa presyo ng gasolina.

Karaniwan, inanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang pagbabago sa presyo ng petrolyo tuwing Lunes at ipinapatupad ito tuwing Martes.

Advertisement