Nagpasalamat ang Department of Migrant Workers (DMW) sa gobyerno ng Netherlands dahil sa mabilis na koordinasyon at tulong para matiyak ang kaligtasan ng 38 Filipino crew ng MV Hondius na naalarma dahil sa hantavirus scare.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, naging mahalaga ang “very strong coordination” sa pagitan ng Pilipinas at Netherlands upang matugunan ang pangangailangan ng mga tripulanteng Pilipino habang nasa gitna ng health monitoring at quarantine.

Sa kasalukuyan, 21 sa 38 Filipino seafarer ang nasa quarantine at patuloy na mino-monitor sa Amsterdam, habang ang iba ay na-test at na-quarantine pagdating sa Rotterdam noong Mayo 18. Ayon sa DMW, lahat ng crew ay nag-negative sa hantavirus at walang nakikitang sintomas.

Ipinatutupad ang mahigpit na 42-araw na quarantine period para sa mga crew na magtatapos sa Hunyo 18. Ayon sa Department of Health (DOH), ang tagal ng quarantine ay nakabatay sa incubation period ng hantavirus na maaaring lumabas sa loob ng 4 hanggang 42 araw.

Advertisement

Bumisita rin si Cacdac sa mga Pilipinong seafarer sa Netherlands bilang bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para palakasin ang labor diplomacy para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW).

Patuloy din ang koordinasyon ng DMW sa Department of Foreign Affairs (DFA) para matiyak ang kapakanan ng mga OFW.

Samantala, iniulat ng DMW na umabot na sa 10,129 OFWs, dependents, at stranded Filipinos ang nai-repatriate mula sa Middle East dahil sa tensyon. Nasa 34,188 katao naman ang nabigyan ng financial at emergency assistance, habang umabot sa 70,148 ang kabuuang on-site services na naibigay ng gobyerno para sa mga OFW at kanilang pamilya.

Advertisement