Nanawagan ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga Pilipino sa Lebanon na samantalahin ang programang repatriation ng pamahalaan kasunod ng patuloy na tensyon sa lugar matapos ang serye ng airstrikes ng Israel.
Ayon sa Department of Migrant Workers, nananatiling nakataas ang Alert Level 3 sa Lebanon kaya’t hinihikayat ang boluntaryong pag-uwi ng mga overseas Filipino workers (OFWs) upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
May mga ulat na ilang Pilipino ang halos nadamay sa mga pag-atake matapos tamaan ang mga lugar na kanilang pinagtatrabahuhan.
Patuloy na binabantayan ng mga awtoridad ang sitwasyon sa Lebanon habang pinaaalalahanan ang mga OFW na makipag-ugnayan sa pamahalaan para sa posibleng agarang repatriation.
Binigyang-diin ng DMW na bukas ang gobyerno sa pagtulong sa mga Pilipinong nais umuwi, lalo na sa gitna ng lumalalang seguridad sa rehiyon.














