Mariing pinabulaanan ng Department of National Defense ang pag-angkin ng China sa ilang maritime feature ng Pilipinas sa West Philippine Sea, kabilang ang Pag-asa Island at Lawak Island, at iginiit na lehitimo ang pagpapatupad ng awtoridad ng bansa sa mga nasabing lugar.

Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ng DND na bahagi ng Kalayaan Island Group ang Pag-asa at Lawak Islands na sakop ng Munisipalidad ng Kalayaan sa lalawigan ng Palawan.

Ayon kay Arsenio Andolong, lehitimo ang lahat ng hakbang ng pamahalaan sa mga nasabing lugar, kabilang ang pagpapatupad ng mga proyekto para sa improvement at development upang matiyak ang kapakanan, kaligtasan, at kabuhayan ng mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho roon.

Pahayag ito ng DND bilang tugon sa naging pahayag ni Chinese Defense Spokesperson Jiang Bin na mariing tumutol sa construction activities ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Advertisement

Iginiit ni Jiang na iligal umano ang okupasyon ng Pilipinas sa mga naturang lugar at sinabi nitong may “indisputable sovereignty” ang China sa tinatawag nilang Nansha Islands o Spratly Islands.

Gayunman, nanindigan ang DND na legal ang lahat ng aktibidad at infrastructure development ng Pilipinas sa Pag-asa at Lawak Islands at muling pinagtibay ang soberanya ng bansa sa mga lugar na ito.

Advertisement