Pinalagan ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang pagbatikos ng China sa paglahok ng Japan sa Balikatan exercises, kabilang ang kauna-unahang pagpapaputok ng Type 88 surface-to-ship missile sa Pilipinas bilang bahagi ng military drills sa Ilocos Norte.
Partikular na tinutulan ni Teodoro ang naging reaksiyon ng China kaugnay sa missile exercise ng Japan na isinagawa ngayong linggo sa ilalim ng taunang Exercise Balikatan 2026.
Sa sidelines ng closing ceremony ng Balikatan exercises, sinabi ng kalihim na nakakagulat umanong manggaling sa China ang naturang batikos dahil isa umano itong diktador na bansa na inuusig pa ang sarili nitong mamamayan.
Ayon kay Teodoro, wala na umanong naniniwala o nakikinig sa mga pahayag ng China dahil layunin lamang umano nitong linlangin ang sarili nitong mamamayan.
Inakusahan din ng DND chief ang China ng pakikibahagi sa espiya, cybercrime, human trafficking, at industrial espionage activities sa ilang bansa sa Southeast Asia.
Kasabay nito, binatikos din ni Teodoro ang kalidad ng mga produktong gawa sa China na pumapasok sa rehiyon.
Ang Balikatan ay taunang military exercises ng Pilipinas at Estados Unidos na nilalahukan din ng iba pang allied countries kabilang ang Japan.














