Nilinaw ni Defense Secretary Gilbert Teodoro na wala silang namo-monitor na anumang destabilization activities kaugnay ng nakabinbing impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, at wala ring nakikitang banta mula sa hanay ng mga aktibong sundalo.
Ayon sa kalihim, nananatiling propesyonal ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kabila ng mga umiinit na isyung pampulitika, kabilang ang impeachment proceedings.
Giit pa ni Teodoro, wala na sa hurisdiksyon ng Department of National Defense (DND) ang mga retiradong sundalo, ngunit karamihan sa kanila ay hindi naman nasasangkot sa anumang anti-government activities at patuloy pang sumusuporta sa mga security initiatives ng pamahalaan.
Samantala, inaasahang maipapadala na sa Senate of the Philippines ngayong linggo ang Articles of Impeachment laban kay Duterte para sa pormal na paglilitis matapos aprubahan ng mayorya ng mga kongresista nitong Lunes.
Ang Senado ang inaasahang uupo bilang impeachment court sa sandaling matanggap ang reklamo mula sa House of Representatives of the Philippines.








