Tiniyak ng Department of Energy, sa pamamagitan ni Energy Sec. Sharon Garin, na may sapat na suplay ng langis ang Pilipinas na tatagal ng humigit-kumulang 50 araw o hanggang unang bahagi ng Hunyo, sa kabila ng umiiral na national energy emergency.
Ayon kay Garin, nasa average na 50 araw ang fuel inventory ng bansa—36 araw para sa liquefied petroleum gas (LPG), 49 araw para sa diesel, 54 araw para sa gasolina, at 105 araw para sa kerosene.
Ipinaliwanag niya na ang bilang na ito ay nagbibigay ng sapat na panahon para makahanap ng panibagong suplay habang patuloy ang konsumo ng bansa.
Gayunman, binigyang-diin ng kalihim na maaaring magbago ang sitwasyon depende sa magiging kaganapan sa Strait of Hormuz at sa availability ng langis mula sa ibang bansa.
Dahil sa mas mababang inventory ng LPG, sinabi ni Garin na nakapaglagay na ng panibagong order ang Philippine National Oil Company (PNOC) noong Abril 13 upang masigurong tuloy-tuloy ang suplay.
Patuloy namang nananatiling volatile ang global oil prices sa gitna ng tensyon sa Middle East, lalo na matapos ang banta ni Donald Trump na magpatupad ng blockade sa Strait of Hormuz kasunod ng bigong negosasyon sa Iran.
Bagamat nagpatupad ng rollback sa presyo ng petrolyo sa bansa nitong Abril 14, hindi pa rin nito nababawi ang sunod-sunod na linggong pagtaas ng presyo ng gasolina, diesel, at kerosene.
Aminado si Garin na nananatiling apektado ang Pilipinas sa galaw ng pandaigdigang merkado ng langis, at patuloy ang hakbang ng pamahalaan upang palawakin ang pinagkukunan ng suplay ng enerhiya.














