Hiniling ng Department of Justice (DOJ) kay singer-lawyer Jimmy Bondoc na ibigay ang anumang impormasyon hinggil sa kinaroroonan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng umiiral na warrant of arrest laban dito mula sa International Criminal Court (ICC).

Ayon sa DOJ, iniutos ni Justice Secretary Frederick Vida ang pag-iisyu ng formal letter request kay Bondoc, na legal counsel ni Dela Rosa, upang ilahad ang anumang impormasyong hawak niya na maaaring makatulong sa pagtukoy sa lokasyon ng senador.

“This is an opportunity for Attorney Bondoc to cooperate with legal processes and assist law enforcement authorities in the proper service of the ICC warrant,” ani Vida.

Binigyang-diin din ng kalihim na hindi maaaring gamiting dahilan ang attorney-client privilege upang umiwas sa pakikipagtulungan sa mga legal na proseso, lalo na kung may kaugnayan ito sa posibleng pagharang sa hustisya o pagtatago ng taong pinaghahanap ng batas.

Advertisement

Paalala pa ng DOJ, bahagi ng pagpapatupad ng batas ang pakikipagtulungan sa imbestigasyon at sa pagpapatuloy ng mga prosesong legal kaugnay ng kaso.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na tugon si Bondoc hinggil sa kahilingan ng DOJ.

Advertisement