Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na nagsumite na sila ng kahilingan para sa Red Notice sa Interpol laban kay Senador Ronald dela Rosa bilang bahagi ng proseso sa pagpapatupad ng arrest warrant mula sa International Criminal Court.
Ayon sa DOJ, ang hakbang ay kaugnay ng implementasyon ng ICC warrant na may kinalaman sa kasong crimes against humanity na isinampa kaugnay ng war on drugs campaign ng dating administrasyon.
Sinabi rin ng ahensya na itinuturing nang “fugitive from justice” si Senador dela Rosa at inatasan na ang mga law enforcement agencies tulad ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na ipatupad ang kanyang pag-aresto.
Ipinaliwanag ng DOJ na ang Red Notice ay hindi isang aktwal na warrant of arrest kundi isang international alert mechanism upang matunton at posibleng maaresto ang isang indibidwal na may kinakaharap na mabibigat na kaso.
Nagbabala rin ang DOJ laban sa sinumang magtatangkang tumulong umano sa pagtatago ng senador.
Matatandaang ibinasura ng Supreme Court of the Philippines ang petisyong Temporary Restraining Order (TRO) ng kampo ng senador na naglalayong pigilan ang kanyang pag-aresto.
Sa kasalukuyan, hindi pa rin matukoy ang kinaroroonan ni Senador dela Rosa matapos umalis sa Senado noong Mayo 14 ng madaling-araw, kasunod ng mga insidenteng naganap sa sesyon noong Mayo 13.














