NAGA CITY- Sugatan ang isang drug suspect matapos na manlaban sa isinagawang buy-bust operation sa Candelaria, Quezon.

Kinilala ang suspek na si Christian Mayor Balmes, 25-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na nahuli sa akto si Balmes na nagbebenta ng shabu sa isang pulis na nagpanggap bilang poseur buyer.

Dahil dito, agad naman na inaresto ang suspek ngunit nagmatigas ito at nakipag-agawan pa ng baril sa isang back-up security ngunit aksidente nitong naputok ang baril kung saan natamaan sa paa si Balmes.

Samantala, agad naman na dinala si Balmes sa ospital para sa asistensiya medikal.

Kaugnay nito, nasamsam sa suspek ang tinatayang aabot P102,408 halaga ng pinaniniwalaang shabu at iba pang mga drug paraphernalia.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa kaukulang disposisyon.