Sinabi ni dating senador na Antonio Trillanes IV na posibleng si Senador Bong Go ang susunod na maisyuhan ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) kasunod ni Senador Ronald dela Rosa.
Ayon kay Trillanes, nakatanggap umano siya ng impormasyon na may nakaambang warrant laban kay Go kaugnay ng mga kasong crimes against humanity, murder, at attempted murder.
Dagdag pa niya, maaaring abutin pa ng ilang buwan bago mailabas ang naturang warrant depende sa proseso ng ICC.
Iginiit din ng dating senador na iniuugnay si Go sa umano’y mga insidente ng extrajudicial killings noong administrasyon ni Rodrigo Duterte.
Ayon kay Trillanes, inireklamo si Go sa ICC dahil umano sa pagbibigay ng reward sa bawat assassination noong kasagsagan ng extrajudicial killings bilang umano’y lider ng special operations group ng tinatawag na National Death Squad ni Duterte.
Bukod kay Go, sinabi rin ni Trillanes na posible ring maisyuhan ng ICC warrant si Oscar Albayalde, dating hepe ng Philippine National Police.
Samantala, bukas ang panig ng media para sa pahayag nina Go at Albayalde kaugnay ng mga alegasyong ibinabato laban sa kanila.














