Sinabi ni Senador Ronald dela Rosa nitong Martes na isa sa mga dahilan ng kaniyang muling pagharap sa publiko at pagbabalik sa trabaho ay dahil sa hiya umano sa taumbayan matapos ang ilang buwang hindi pagpapakita.

Ayon kay dela Rosa, maraming mahahalagang usapin sa Senado ang nangangailangan ng kaniyang presensya, kabilang ang pagbabago sa liderato ng kapulungan at ang nakaambang pag-upo nito bilang impeachment court sakaling maipadala ang articles of impeachment.

Sinabi rin ng senador na naapektuhan siya sa mga puna ng publiko na tumatanggap umano siya ng suweldo kahit hindi nagpapakita at hindi nagtatrabaho.

Giit niya, hindi niya ugali ang tumanggap ng bayad nang walang katapat na serbisyo kaya nagpasya siyang bumalik sa kaniyang tungkulin bilang mambabatas.

Advertisement

Nagsimulang hindi magpakita sa publiko si dela Rosa matapos sabihin ni Crispin Jesus Remulla na may inilabas umanong warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban sa senador kaugnay ng madugong kampanya kontra ilegal na droga noong administrasyon ni Rodrigo Duterte.

Si dela Rosa ang nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) sa kasagsagan ng war on drugs campaign ng nakaraang administrasyon.

Kalaunan ay kinumpirma rin ng ICC na may inilabas itong warrant of arrest laban sa senador noong Nobyembre 6, 2025.

Inamin din ni dela Rosa na nagtago siya matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa naturang warrant dahil umano sa pangambang mawalan ng kalayaan.

Sa kasalukuyan, nasa protective custody siya ng Senado habang hinihintay ang magiging desisyon ng Supreme Court of the Philippines kaugnay ng mga petisyong kanilang inihain.

Advertisement