Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na e-wallet transfers na ang gagamitin sa pamamahagi ng cash aid para sa fuel subsidy matapos masawi ang isang rider habang nakapila sa payout center sa Quezon City.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ipatutupad ang bagong sistema sa mga susunod na payout kung saan direktang ipapadala ang ayuda sa e-wallet ng mga benepisyaryo kabilang ang mga transport network vehicle service (TNVS) at motorcycle taxi riders.
Nilinaw naman ng kalihim na ang listahan ng mga tatanggap ay ibinatay sa datos na isinumite ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na naglalaman ng mga lehitimong driver.
Personal ding nagtungo si Gatchalian sa pamilya ng nasawing rider upang makiramay at magbigay ng tulong, kabilang ang medical at burial assistance at iba pang pangangailangan ng naiwang pamilya.
Layunin ng hakbang na maiwasan ang kahalintulad na insidente at mapabilis ang distribusyon ng ayuda sa mga benepisyaryo.













