Umakyat sa mahigit ₱350 milyon ang inilabas na emergency cash assistance ng DSWD para sa mahigit 34,000 corn farmers sa Isabela na labis na naapektuhan ng matinding tagtuyot, ayon sa ahensya nitong Miyerkules, Mayo 13.

Ayon sa DSWD, umabot sa ₱350.22 milyon ang naipamahaging Emergency Cash Transfer (ECT) sa 34,590 magsasaka mula sa mga bayan ng Angadanan, Burgos, Cordon, Quezon, Reina Mercedes, Roxas, San Guillermo, at San Manuel.

Layunin ng ECT program na matulungan ang mga magsasaka na makabangon mula sa pinsalang dulot ng matagal na dry spell na nagresulta sa malawakang pagkasira ng pananim at kabuhayan.

Patuloy pa rin ang payout activities upang matiyak na walang apektadong magsasaka ang maiiwan sa tulong ng gobyerno.

Advertisement

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao ng Disaster Response Management Group (DRMG), prayoridad ng ahensya ang agarang pinansyal na tulong upang makapagpatuloy ang mga magsasaka sa kanilang kabuhayan at makabili ng mga kinakailangang agricultural inputs.

“Losing almost an entire harvest is devastating for our agricultural sector, which is why we are fast-tracking these cash transfers,” ani Dumlao.

Idineklara ang Isabela na nasa state of calamity noong Marso 18 dahil sa matinding epekto ng tagtuyot na nakaapekto sa produksiyon ng agrikultura sa buong lalawigan.

Samantala, sinabi ng DSWD Field Office 2 – Cagayan Valley na maglalaan din ng ₱321.79 milyon na ayuda para sa 31,782 farmer-beneficiaries sa Cagayan sa susunod na linggo.

Advertisement