Isang lalaking dugong o sea cow ang natagpuang patay at palutang-lutang malapit sa baybayin ng Sitio Dungeon, Barangay Pangyan sa Glan, Sarangani noong Hunyo 19, 2026.

Ayon sa ulat, ilang residente ang unang nakapansin sa naturang marine mammal at agad itong dinala sa dalampasigan upang masuri ng mga kinauukulan.

Batay sa inisyal na impormasyon mula sa lokal na tanggapan ng pangisdaan, tinatayang nasa 400 kilo ang bigat ng dugong at may habang 106 pulgada o mahigit walong talampakan.

Ibinahagi naman ng ilang residente na dati na nilang nakikita ang naturang dugong na may mga sugat sa katawan. Posible umanong may kaugnayan ang mga ito sa pagkamatay ng hayop, ngunit hinihintay pa ang resulta ng pagsusuri ng mga awtoridad.

Advertisement

May mga residente rin na nag-ugnay sa posibilidad na naapektuhan ang dugong ng malakas na pagyanig matapos ang naitalang magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao noong nakaraang linggo.

Patuloy namang inaalam ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng dugong upang matukoy kung ito ay dulot ng natural na dahilan, pinsala, o iba pang salik sa kapaligiran.

Advertisement