Ibinahagi ng EASTTODA ang patuloy na suliranin sa pagdami ng mga e-trike at “habal-habal” na umano’y walang kaukulang prangkisa at patuloy na bumibiyahe sa loob ng lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jake Chavez (Public Information Officer, Easttoda), sinabi nito na nagdudulot ito ng matinding kompetisyon sa hanay ng mga lehitimong tricycle driver.

Ayon kay Chavez, malaki ang ibinaba ng kanilang kita mula sa dating humigit-kumulang ₱600 kada araw ay naging ₱200–₱300 na lamang. Anila, naagawan sila ng mga pasahero sa mga terminal dahil sa presensya ng mga e-trike, habang ang mga habal-habal naman ay mas aktibo tuwing gabi at lalo pang nagpapababa ng kanilang pasada.

Sa kabila ng pagtaas ng presyo ng gasolina, nananatiling ₱15 ang minimum na pamasahe ng EASTTODA habang ₱13 naman para sa mga estudyante. Upang makatugon sa gastusin nang hindi nagtataas ng pamasahe, itinaas din ang kapasidad ng tricycle mula apat tungo sa limang pasahero, na ayon sa kanila ay nananatiling ligtas at wala namang naitatalang aksidente.

Advertisement

Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng EASTTODA sa Public Safety Office (PSO) at sa tanggapan ng alkalde upang ireklamo ang mga ilegal na operasyon. Gayunman, ayon sa asosasyon, may mga pagkakataong hindi tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng aksyon kaya muling nakababalik sa kalsada ang mga e-trike.

Nakahanda rin ang na makiisa sa mga bagong regulasyon ng lokal na pamahalaan, kabilang ang planong “uniform color” para sa mga tricycle sa bawat TODA. Sa ngayon, nananawagan ang grupo ng mas mahigpit na pagpapatupad ng batas upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga lehitimong tricycle driver sa lungsod ng Naga.

Advertisement