Nanawagan ang grupong Project Paghilom, na kumakatawan sa ilang pamilya ng mga biktima ng extra-judicial killings (EJKs), kay Senador Ronald “Bato” M. dela Rosa na sumuko na kaugnay ng kinakaharap niyang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Kasalukuyang nahaharap sa warrant of arrest ang senador matapos siyang tukuyin bilang co-perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte sa kasong crimes against humanity.
Ayon sa Project Paghilom, ang pag-alis umano ni dela Rosa mula sa kustodiya ng Senado noong madaling araw ng Huwebes ay malinaw na pagtatangkang umiwas sa pananagutan sa ilalim ng batas.
Iginiit ni Project Paghilom coordinator Randy Delos Santos na dapat harapin ng senador ang kaso laban sa kanya. Aniya, dati itong matapang at nagsasabing haharapin ang isyu, ngunit tila nagbago umano ang paninindigan nito.
Matatandaang sinabi ni Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na humiling si dela Rosa na mailagay sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP), na tinutulan naman ng kampo ng mga biktima ng drug war.














