Itinanggi ni Executive Secretary Ralph Recto ang paratang ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na may umano’y tawag siya na nakaapekto sa hindi pag-apruba ng bicameral conference committee report para sa umento ng minimum wage.

Sa pahayag nitong Linggo, mariing sinabi ni Recto: “Not true. He should pay what he owes govt. 24B.”

Nauna rito, iginiit ni Leviste na may natanggap siyang impormasyon mula sa Senado na may kinalaman umano si Recto sa naging desisyon ng Kongreso sa usapin ng wage hike. Ayon sa kanya, naging tensyonado ang huling araw ng 19th Congress matapos hindi maaprubahan ang bicam report dahil umano sa pagtutol mula sa executive branch.

Binigyang-diin din ni Leviste ang pagkakaiba ng bersyon ng dalawang kapulungan—₱200 arawang umento mula sa House at mas mababang halaga mula sa Senado—na nauwi sa hindi pagkakasundo sa bicameral level.

Advertisement

Naungkat din sa usapin ang hiwalay na kontrobersya kaugnay ng Department of Energy, kung saan may umano’y ₱24 bilyong multa laban sa kumpanyang Solar Philippines na itinatag ni Leviste.

Dagdag pa niya, may implikasyon din umano ang isyu sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte, na aniya ay nakaapekto sa agenda discussions sa Senado.

Mariin namang pinabulaanan ng kampo ni Recto ang mga alegasyon at iginiit na walang katotohanan ang paratang at hindi dapat isinisisi sa executive branch ang naging desisyon ng Kongreso.

Advertisement