Mariing tinuligsa ni Executive Secretary Ralph Recto ang umano’y kasinungalingan ni Rep. Leandro Leviste at ibinunyag ang mga umano’y tangkang panunuhol at personal na motibo sa likod ng mga paratang laban sa kanya.

Ayon kay Recto, hindi na niya kayang palampasin ang umano’y walang basehang paninirang puri na paulit-ulit na ibinabato laban sa kanya ni Leviste, kaya’t naglabas siya ng matapang na pahayag upang sagutin ang mga akusasyon.

Ibinunyag ni Recto na sa kanilang unang pagtatagpo, nag-alok umano si Leviste ng PHP 400 milyon upang suhulan ang kalaban sa pulitika, na agad niyang tinanggihan. Sinundan pa umano ito ng mas malaking alok na PHP 1 bilyon kapalit ng pag-urong ni Gov. Vilma Santos-Recto, na muli rin niyang itinakwil.

Dagdag pa niya, layunin umano ni Leviste na makuha ang libu-libong ektarya ng hacienda ng tubo sa Nasugbu, ngunit hindi niya ito pinagbigyan.

Advertisement

Mariin ding itinanggi ni Recto ang mga paratang hinggil sa ghost projects at isyu sa flood control, at iginiit na lahat ng kanyang proyekto sa Batangas ay may sapat na dokumentasyon at pakinabang sa mamamayan.

Binatikos din niya ang umano’y vote-buying operations, troll farms, at “factory of lies” na iniuugnay kay Leviste, na aniya’y ginagamit upang siraan ang mga miyembro ng gabinete at administrasyon.

Ayon pa kay Recto, ang mga hakbang na ito ay desperadong pagtatangka upang takasan ang pananagutan sa umano’y ghost solar projects na nagdulot ng bilyon-bilyong utang.

Sa kanyang pahayag, tinawag niya si Leviste bilang “bitter brat” at iginiit na hindi dapat pag-aksayahan ng oras ang mga isyung aniya’y “psychotic sideshows” na naglalayong ilihis ang atensyon ng publiko.

Sa huli, nanawagan si Recto na ituon na lamang ang pansin sa trabaho at huwag patulan ang mga aniya’y walang saysay na ingay sa politika.

Advertisement