Naglabas ng reward money na hanggang $25,000 ang Federal Bureau of Investigation (FBI) kapalit ng impormasyon sa kinaroroonan ng Pilipinong si Austin Jan Sy Yatco na akusado sa crimes against children.

Ayon sa FBI Dallas Field Office, si Yatco ay wanted dahil sa umano’y pagkakasangkot sa online exploitation ng mga menor de edad mula 2019 hanggang 2021. Sinasabing bahagi ito ng isang network na gumagamit ng gaming at social media platforms upang makipag-ugnayan sa mga biktima.

Napag-alaman na inilabas ang federal arrest warrant laban sa kanya noong Enero 23, 2026 ng United States District Court for the Eastern District of New York. Kabilang sa mga kinakaharap niyang kaso ang conspiracy to produce at conspiracy to receive and distribute child sexual abuse material.

Ayon sa imbestigasyon, konektado umano si Yatco sa isang online group na tinatawag na “Greggy’s Cult,” na iniuugnay sa panghihikayat at pamimilit sa mga menor de edad na lumikha ng explicit material na kalauna’y ipinapakalat sa grupo.

Advertisement

Sinabi rin ng mga awtoridad na dati siyang nanirahan sa Plano, ngunit pinaniniwalaang nakatakas na mula sa Estados Unidos at posibleng nasa Pilipinas na ngayon.

Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan sa imbestigasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng anumang impormasyon na maaaring makatulong sa agarang pagkakadakip sa akusado.

Advertisement