NAGA CITY – Negatibo sa cyanide ang isinumiteng sample ng isda mula sa lugar kung saan naiulat na may fish kill sa Calabanga at Tinambac, Camarines Sur.
Ayon sa ulat na BFAR Bicol, isinagawa ang pagsusuri ng BFAR National Fisheries Laboratory, kung saan lumabas na negatibo ang sample sa cyanide test.
Ang resultang ay isang hudyat na ligtas ang tubig sa nakalalasong kemikal.
Isa aniya itong magandang balita hindi lamang para sa mga mangingisda, kundi para na rin sa lokal na pamahalaan at mga mamamayang umaasa sa malinis at ligtas na katubigan para sa kanilang ikinabubuhay at pagkain.
Maaalala, nitong Mayo 23-24, naitala ang fish kill sa naturang bayan na nagresulta upang bumaba ang kita ng mga mangingisda sa bayan
Samantala, patuloy naman ang monitoring ng BFAR Bicol sa pamamagitan ng Fisheries Integrated Laboratory Section sa nasabing karagatan.
Ayon rin sa pinakahuling pagsusuri ng tubig, may positibong pagtaas na rin sa antas ng Dissolved Oxygen—na dati’y bumagsak sa mapanganib na lebel. Ang pagtaas na ito ay indikasyon ng unti-unting pagbuti ng kalidad ng tubig sa apektadong lugar.