Isinusulong ng Department of Health ang total ban sa paggamit ng vape o e-cigarettes sa bansa, kasunod ng lumalalang banta nito sa kalusugan ng publiko, partikular sa kabataan.

Ayon kay Dr. Dominic Maddumba ng Health Promotion Bureau ng Department of Health, layunin ng panukala na tuluyang ipagbawal ang paggamit ng vape upang maiwasan ang masamang epekto nito sa katawan ng tao.

Gayunman, kung hindi maisasakatuparan ang total ban, iminungkahi ng Department of Health ang mas mahigpit na regulasyon, kabilang ang pagtanggal ng iba’t ibang flavor ng vape products na anila’y nakakaengganyo sa kabataan.

Ipinaliwanag ni Dr. Dominic Maddumba na ang flavored vape products ang pangunahing nakakaakit sa mga kabataan, kaya mas mainam umanong ipantay ito sa regulasyon ng karaniwang tobacco products.

Advertisement

Nauna nang nagbabala ang Department of Health na ang paggamit ng vape at iba pang produktong tabako ay maaaring magdulot ng seryosong sakit tulad ng cardiovascular disease, cancer, at iba’t ibang problema sa baga.

Patuloy na pinag-aaralan ng Department of Health ang iba’t ibang hakbang upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko, lalo na ng kabataan, laban sa panganib ng paninigarilyo at vaping.

Advertisement