Umabot na sa tinatayang 1.4 milyong pamilya ang naka-graduate mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula noong 2022, ayon sa Department of Social Welfare and Development, na magbabalik naman ng humigit-kumulang 500,000 benepisyaryo.
Ayon kay Rex Gatchalian, Kalihim ng Department of Social Welfare and Development, hindi ito dagdag sa programa kundi pagbabalik lamang ng mga kuwalipikadong pamilyang nananatiling nasa kahirapan.
Ipinaliwanag ni Kalihim Rex Gatchalian na mula sa dating 4.4 milyong household beneficiaries, nabawasan ito matapos makapagtapos ang ilang pamilya sa programa dahil gumanda na ang kanilang kabuhayan o hindi na sila kwalipikado, gaya ng pagkakaroon ng mga anak na nakapagtapos na sa pag-aaral.
Batay aniya ang listahan ng mga benepisyaryo sa datos ng Philippine Statistics Authority, na nagsisilbing pangunahing batayan sa pagtukoy ng mga kwalipikadong pamilya.
Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development na ang 4Ps ay nakatuon sa edukasyon at kalusugan, kung saan tumatanggap ang mga benepisyaryo ng conditional cash grants kapalit ng pagsunod sa mga itinakdang kondisyon tulad ng regular na pagpasok sa paaralan at pagpapabakuna.
Tinatayang umaabot sa hanggang P3,500 ang tulong na natatanggap ng bawat pamilyang benepisyaryo.
Giit ng Department of Social Welfare and Development, layunin ng programa na wakasan ang kahirapan sa susunod na henerasyon at hindi ito nagdudulot ng dependency, taliwas sa ilang kritisismo laban dito.











