NAGA CITY- Patay na ng matagpuan ang katawan ng isang menor de edad na babae sa kweba na matatagpuan sa magubat na bahagi ng Brgy Palola, Lucban, Quezon.

Kinilala ang biktima na isang grade 2 student at residente ng Hermano Puli St, Brgy Palola, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang pinaghahanap ng isang Jose Mira Soria kasama ang kanyang pamangkin na lalaki ang biktima, na kanya ring pamangkin sa magubat na bahagi ng nabanggit na barangay, nang makita nito ang suspek na kinilalang si Alyas Noel, 33-anyos, na palabas sa kuweba na mayroong bitbit na digging bar.

Hinintay umano ni Soria na makaalis ang suspek tsaka ito pumasok sa loob ng kuweba.

Kaugnay nito, ng tuluyan ng makapasok sa loob ng kweba si Soria, dito nito nakita ang kumpol ng mga bato na tila mayroong ibinaon o tinatakpan at maging ang tsinelas ng kanyang pamangkin na nawawala.

Nang alisin umano nito ang mga bato, dito na nakita ni Soria ang wala ng buhay ng katawan ng biktima. Kaagad naman na nagreport sa kanilang Brgy Kapitan si Soria patungkol sa pangyayari.

Kaagad naman itong ipinagbigay alam sa mga otoridad na agad namang nagsagawa ng follow up operation upang madakip ang suspek.

Samantala, sa inisyal na imbestigasyon naman ng mga kapulisan, nabatid na bago pa ang insidente, una nang napabalita na nawawala ang biktima at hindi na nakauwi pa sa kanilang bahay noong Enero 13 ng gabi.

Sa ngayon, nasa kostodiya ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon habang nagpapatuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon patungkol sa nasabing krimen.