Naglabas ng pahayag si Atty. Israelito Torreon, legal counsel ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na nagsabing maaga pa para magsampa ng Petition for Habeas Corpus para sa senador sa gitna ng kasalukuyang usaping konstitusyonal na nakabinbin sa Korte Suprema.
Nagpasalamat si Atty. Torreon sa mga mamamayan, abogado, at iba pang nagbigay ng suporta, legal na opinyon, at obserbasyon kaugnay ng kaso, kabilang ang mungkahi ni Atty. Salvador Panelo na magsampa ng habeas corpus petition.
Gayunman, ayon kay Torreon, matapos pag-aralan ang sitwasyon, naniniwala siyang hindi pa ito ang tamang legal na remedyo.
Ipinaliwanag niya na magiging premature ang paghahain ng habeas corpus dahil hindi pa umano naaaresto si Senador dela Rosa.
Giit pa ng abogado, kusang nagtungo ang senador sa Senado, inilagay sa protective custody sa ilalim ng Senate Resolution No. 44, at kalaunan ay malaya ring nakalabas.
Dagdag niya, wala umanong aktwal na restriksyon sa kalayaan ng senador, na mahalagang elemento para maging balido ang naturang petisyon.
Tinukoy rin niya na hindi malinaw kung sino ang maaaring ituring na “illegal custodian,” dahil ang Senado mismo ang pinuntahan ng senador para sa proteksyon.
Nagbabala rin si Torreon na maaaring makasama pa sa senador ang paghahain ng petisyon, dahil maaari itong magbukas ng mas malawak na legal na obligasyon para sa mga awtoridad.
Sa ngayon, sinabi niyang nakatuon ang kanilang legal team sa kasong nakabinbin sa Korte Suprema sa ilalim ng G.R. No. 278747 na tumatalakay sa mga isyung konstitusyonal kaugnay ng warrant requirement at usapin ng surrender sa ICC.
Nilinaw din ni Torreon na wala siyang alitan kay Atty. Panelo at iba pang nagbibigay ng suhestyon, ngunit mas mainam umanong sa pribadong talakayan pag-usapan ang sensitibong legal na estratehiya.














