Umabot sa halos ₱2 bilyon ang halaga ng ilegal na droga na nasamsam sa buong bansa mula Enero hanggang Marso 2026, ayon sa Bureau of Customs (BOC).
Sa datos ng BOC, tinatayang ₱1.865 bilyon na halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska mula Enero 1 hanggang Marso 29, na agad na isinailalim sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Pinaigting ng ahensya ang border protection at koordinasyon sa iba’t ibang law enforcement agencies upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.
Pinangunahan ni Ariel Nepomuceno ang inspeksyon at turnover ng mahigit ₱38 milyong halaga ng nakumpiskang droga sa mga bodega ng BOC sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City.
Ayon naman kay Yasmin Obillos-Mapa, umabot sa ₱955.888 milyon ang kabuuang halaga ng mga anti-drug operation mula Enero hanggang Marso ngayong taon.
Noong Marso, nadiskubre sa pamamagitan ng X-ray screening ang kahina-hinalang laman ng ilang inbound parcels, na nagresulta sa pagkakasamsam ng 5,691 gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu na nagkakahalaga ng ₱38,698,800.
Patuloy ang pinaigting na operasyon ng BOC sa mga pantalan at paliparan bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.












