Iniulat na ipinadala ni Health Secretary Ted Herbosa ang kanyang liham ng pagbibitiw kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes. Ayon sa isang source, ang kanyang desisyon ay may kaugnayan sa kanyang kamakailang operasyon sa tuhod.
Batay sa ulat ng The Manila Times, sinabi ng source na nagpasyang magbitiw si Herbosa matapos mapagtanto na kailangan din niyang bigyang-pansin ang kanyang sariling kalusugan habang nagpapagaling.
Ayon sa sinabing pahayag ni Herbosa, ang kanyang operasyon ang nagbigay sa kanya ng pagkakataong pag-isipan ang kanyang kalagayan. Dahil dito, kinakailangan umano niyang sumailalim sa masinsinang rehabilitasyon na tatagal ng tatlo hanggang apat na buwan.
Idinagdag pa niya na sa panahon ng kanyang rehabilitasyon ay hindi niya maibibigay ang buong oras at atensyon na kinakailangan sa pamumuno sa Department of Health (DOH). Dahil dito, naniniwala siyang mas makabubuting magbitiw sa kanyang tungkulin.
Sa kabila ng mga ulat, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang Malacañang upang kumpirmahin o pabulaanan ang umano’y pagbibitiw ni Herbosa. Hinihintay pa rin ang pormal na anunsyo mula sa Palasyo hinggil sa usapin.













