Naghain ang mga Democrat sa U.S. House of Representatives ng anim na articles of impeachment laban kay U.S. Defense Secretary Pete Hegseth, kaugnay ng umano’y paglabag sa batas sa pagsasagawa ng military operations laban sa Iran nang walang pahintulot ng Kongreso.

Pinangunahan ni Yassamin Ansari, isang Democratic congresswoman mula Arizona, ang impeachment resolution na nag-aakusa kay Hegseth ng “high crimes and misdemeanors,” kabilang ang paglabag sa kanyang sinumpaang tungkulin at paglalagay sa panganib sa mga sundalong Amerikano.

Ayon kay Ansari, “Only Congress can declare war; his actions demand immediate removal,” kasabay ng paratang na nagsagawa umano si Hegseth ng military action laban sa Iran nang walang deklarasyon ng digmaan o pahintulot mula sa Kongreso.

Sa unang impeachment article, sinasabing sinimulan umano ni Hegseth ang opensiba laban sa Iran na naglantad sa mga miyembro ng U.S. Armed Forces sa panganib. Kabilang din sa mga alegasyon ang umano’y strike sa isang paaralan sa Minab, Iran noong Pebrero 28 na ikinasawi ng 170 katao, kabilang ang mga estudyante at guro.

Advertisement

Binanggit din sa mga reklamo ang paggamit umano ng “double tap” strikes, na itinuturing na ilegal sa ilalim ng batas ng digmaan, gayundin ang kapabayaan sa paghawak ng sensitibong impormasyon militar.

Kabilang pa sa alegasyon ang umano’y paglabag sa congressional oversight matapos gamitin umano ni Hegseth ang messaging app na Signal upang talakayin ang mga military strike sa Yemen.

Gayunman, iginiit ng Pentagon sa pamamagitan ni press secretary Kingsley Wilson na isa lamang itong hakbang ng mga Democrat upang makakuha ng atensyon, at ipinagtanggol ang mga aksyon ng Defense Department bilang bahagi ng pagtupad sa layunin ng administrasyon ni Donald Trump sa Iran.

Sa kabila nito, inaasahang maliit ang tsansa na maipasa ang impeachment resolution dahil sa mayorya ng Republican sa Kongreso.

Advertisement