Oras na umano upang baguhin ng bansa ang sistema ng paghalal ng mga senador.
Bahagi ito ng naging mungkahi ni House Deputy Speaker at Bacolod City Rep. Albee Benitez upang dagdagan pa ng 12 ang bilang ng mga mambabatas sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Mula sa kasalukuyang 24, inirerekomenda ng kongresista na itaas tungo sa 36 ang bilang ng mga senador, resulta kung gagawing rehiyonal ang batayan ng pagluluklok ng mga ito sa pamahalaan.
Aniya, dapat na umanong lumihis sa kasalukuyang pambansang setup ang sistema dahil hindi nito narerepresenta nang maayos ang pangangailangan ng bawat rehiyon.
Sa panukala ni Benitez, gagawin na umanong dala-dalawang senador bawat rehiyon ang ihahalal ng mga Pilipino. Mayroon ngayong 18 rehiyong administratibo ang bansa, kung saan ang Negros Island ang pinakabagong naidagdag dito sa bisa ng Republic Act No. 12000.
Dahil umano sa anyo ng kapulungan ngayon, maraming rehiyon ang napag-iiwanan sa mga usapin.
Naniniwala naman si Benitez na kung babaguhin ang sistema ng halalan sa pagkasenador, magagarantiya ang representasyon ng mamamayan sa bawat rehiyon.
Sa sistemang idinisensyo ng Saligang Batas, bumoboto ang mga Pilipino ng 12 senador matapos ang bawat tatlong taon: kasabay ng pambasang halalan para sa pagkapangulo, at sa kalagitnaan ng anim na termino ng presidente—dahilan upang may matira pang dosena para sa susunod na halalang pampunong ehekutibo.














