Nanindigan ang House Committee on Justice na hindi sila apektado ng mga petisyong inihain sa Korte Suprema na humihiling na ipatigil ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House Deputy Speaker Paolo Ortega V, isinasagawa ang proseso alinsunod sa Konstitusyon at mga patakaran ng Kamara, kaya’t magpapatuloy ang pagdinig hangga’t walang utos mula sa korte na pumipigil dito.

“Hindi kami naaapektuhan ng mga petisyon. Tuloy ang proseso hangga’t walang utos na pumipigil dito,” ani Ortega.

“The committee remains unperturbed. We will proceed based on the Constitution, the rules, and the evidence before us,” dagdag pa niya.

Advertisement

Nauna nang humiling si Duterte at isang grupo ng mga abogado sa Supreme Court na maglabas ng temporary restraining order (TRO) upang ipatigil ang impeachment hearings sa House of Representatives.

May hiwalay ding petisyon mula sa 17 indibidwal na humihiling na isama sila bilang petitioners at maglabas din ng TRO laban sa mga pagdinig.

Ayon kay Ortega, ang impeachment hearing ay nagsisilbing pagkakataon para kay Duterte na maipaliwanag ang kanyang panig sa mga akusasyon laban sa kanya.

“Ito na ang pagkakataon para maipresenta ang kanyang panig. Kung sinasabi niyang inosente siya, narito ang tamang forum para patunayan iyon,” aniya.

Hindi pa dumadalo si Duterte sa mga pagdinig mula nang magsimula ang proseso, at nauna nang nagbabala ang komite na ang patuloy niyang pagliban ay maaaring ituring na paglabag sa Konstitusyon.

Advertisement