Tatapusin ng House Committee on Justice ang impeachment hearings laban kay Vice President Sara Duterte sa Abril 29, at inaasahang maihahain na sa plenaryo ng Kamara ang committee report sa pagbubukas muli ng sesyon sa Mayo 4.
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, isa sa mga miyembro ng komite, posibleng maisara na ang mga pagdinig sa Abril 29 matapos ang nakatakdang hearing sa Abril 22 at 29. Kapag natapos ito, bubuo na ng committee report ang Justice panel kaugnay ng ikatlo at ikaapat na impeachment complaints laban sa bise presidente.
Inaasahan na sa Mayo 4, sa pagbabalik ng sesyon ng Kamara, maihahain sa plenaryo ang report upang pagbotohan kung ito ay iaakyat sa Senado para sa impeachment trial.
Paliwanag ni Adiong, dadaan pa ito sa masusing proseso sa plenaryo kung saan bibigyan ng pagkakataon ang mga mambabatas na talakayin at kwestyunin ang committee report, na ihaharap ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro bilang sponsor.
“So hindi siya agad-agad ma-aprubahan kasi magkakaroon pa ‘yan ng debate,” ayon kay Adiong, na binigyang-diin na bahagi ito ng normal na proseso sa Kamara.
Nilinaw din ng komite na ang kanilang pagdinig ay nakatuon lamang sa pag-alam kung may “probable cause” upang maitaas ang kaso sa Senado, at hindi pa ito nagdedesisyon kung may pananagutan o wala ang bise presidente.
Kabilang sa mga alegasyon laban kay VP Sara Duterte ang betrayal of public trust, umano’y iregularidad sa paggamit ng confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President at Department of Education, hindi umano tugmang deklarasyon ng SALN, at mga naunang pahayag na itinuturing na pagbabanta sa buhay ng Pangulo, Unang Ginang, at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.













